3 WORDS
- Apr 22
- 2 min read
3 Words (2026)
Written & Directed by: Fifth Solomon

Ito yung tipo ng pelikula na imbes na magalit ka sa kanilang mga pagkakamali at pagkukulang, pagtatawanan mo na lang.
Umpisa pa lang, parang naka-hithit na sila nang malala. Ang high nilang lahat. Out of this world ang mga jokes. Saktong sakto dahil magugunaw na raw ang mundo.
Not giving up sila sa pagpapatawa. Kahit may corny moments, paninindigan nila—hanggang sa mapapangiti ka na lang dahil sa kanilang commitment at confidence. Hindi sila bumibitaw sa karakter. Kahit yung mga tao na nasa likuran lang at walang mga pangalan, may ambag sa kalokohan.
Andaming hindi maipaliwanag. Tulad ng bakit may 34 + 35 na tanong sa subject na greek mythology. Mukhang Maltesers chocolate yung pimple with nana filling. Kapag magaling kang mambara sa teacher, honor student ka na. Kapag nabangga si ate ng kotse sa daan, that’s a sign daw para magconfess sa crush.
It’s not making sense sometimes,
but there’s sense of humor most of the time.
Serious na mood ang ibinibigay ng cinematography at ng color grading, pero sobrang unserious ng mga eksena. Dahil magugunaw na ang mundo, parang papunta sa climax lahat ng nangyayari.
Nakakapagod yung sunod-sunod na comedy. Medyo lumaylay nung naging serious na. Pero nanununtok pa rin ang mga punchlines at dramatic moments.
Malakas ang epekto ang usapan nina Angie Castrence at Loisa Andalio. Binuhat nila ang mensahe ng pelikula. Mabigat at malaman silang magbitaw ng mga linya. Damang dama ang kanilang mga hugot.
Si Loisa Andalio yung artista na may kakayahang magpatawa at magpa-iyak nang sabay. Mula comedy hanggang drama, nabibigyan niya ito ng tamang hulog. Ang tatlong salita para sa aktres na ito ay: Mahusay, Nakakatawa, Nakakadala.
Ramdam ang wa-echos na pagmamahal ni Angie Castrence. Masarap sakyan ang mga amats ni Angel Raymundo. Nakakatuwa ang energy ni Renzie Aguilar. May timbang ang mga luha ni Kych Minemoto. Intense umarte si Kate Alejandrino. Yakang yaka sa comedy at drama si Queenay Mercado. Hindi convincing at kinukulang si Ronnie Alonte.
Laughtrip ang mga trip ni Donna Cariaga. Pang-comedy star ang atake ni Leo Bruno. Deserve niya ang starring role next time.
Politically incorrect ang ginagawa nila, pero hindi na pinupuna. Red flag ang mga karakter, pero pinapatawad sila. Echepwera ang mga stereotypes at stigma. Hindi kailangang pag-usapan, dahil normal ang pakikitungo nila sa lahat.
Wala silang pake sa sasabihin ng ibang tao. Ang careless ng dating, pero ang carefree rin sa pakiramdam.
Ikaw man ay magkamali o masaktan, kailangan mo pa ring tumayo. Hindi titigil ang mundo dahil lang nadapa ka. Kahit sobrang riot ng mga nangyayari, patuloy lang.
Mawawalan ka ng oras isipin ang mga plotholes, dahil ipaparamdam ng pelikulang ito na mas masarap ang mabuhay, tumawa, at magmahal.
Live as if it’s the last.
Laugh like there’s no tomorrow.
Love without limits.
Live. Laugh. Love.
Yan ang 3 words.
𝟑 𝐖𝐎𝐑𝐃𝐒
Cast: Loisa Andalio, Ronnie Alonte, Queenay Mercado, Kych Minemoto, Kate Alejandrino, Renzie Aguilar, Angel Raymundo
with: Leo Bruno, Jomari Angeles, Donna Cariaga
Presented by: Black Cap Pictures
Release Date: April 22, 2026 in Philippine cinemas nationwide
A Movie Review by: Goldwin Reviews

Comments