top of page

Bakit puro lait ang laman ng page?

Kakaunti na lang ang mga nanunuod sa sinehan kapag Pelikulang Pilipino ang pag-uusapan. Nakakalungkot, ngunit ito ang realidad. Sa dami ng mga gastusin, sa taas ng mga bilihin, sa kadalasang pagka-dismaya kapag nanuod ng mga Pelikulang Pilipino… Sino pa ba ang gustong sumugal?

Hindi natin hobby ang manlait. Pero kung gagastos ka ng 300+ pesos para sa ticket (wala pa diyan ang pangkain at pamasahe) at kung uupo ka nang halos dalawang oras sa sinehan… Nararapat lang na punahin ang hindi sulit panuorin, dahil oras at pera ng tao ang nakalaan dito.

Kapag napangitan ka sa pelikula, sabihin mo. Wag mong pigain ang sarili mo na magustuhan ang isang pelikulang hindi ka naman natuwa. Wag tayong mag-lokohan dito. Hindi manunuod ang mag-aadjust sa kapangitan ng pelikula. Pero kung nagandahan ka naman, nararapat lang din na ito’y purihin.

Manunuod ang pinaka-mahalaga rito. Pantay-pantay tayong lahat kapag nasa loob ng sinehan. Kung nainip ka, kung nabighani ka, kung napamura ka… Lahat ng nararamdaman mo ay mahalaga.

Ibinabahagi lang ng page na’to kung ano ang kanyang naramdaman habang pinapanuod ang mga pelikula. Maaaring ang pinakamaganda rito ay siyang pinaka-panget para sa’yo. Ngunit hindi nangangahulugan na isa sa atin ay tama o mali. Hindi ibig sabihin na isa sa atin ay mas matalino o mas magaling. Ang ibig sabihin lang nito na bawat isa sa atin ay may iba’t ibang hinahanap sa buhay. Sa huli, kayo pa rin ang magdedesisyon sa kung ano ang gusto niyong panuorin, dahil oras at pera niyo ang nakalaan dito. Ano bang hanap mo?

Mula taong 2019 hanggang 2024, meron na tayong 500+ na pelikulang napanuod. Lahat ay Pelikulang Pilipino. Hindi tayo sumusuko. Aasa tayo na imbes na puro lait ang maging laman ng page na’to ay maging puro papuri na. Hindi dahil naging mabait tayo o natakot na lang magsalita. Kundi dahil gumaganda na ang Pelikulang Pilipino.

Walang magbabago sa page na'to.

Susuportahan pa rin ang Magaganda at Makabuluhang Pelikulang Pilipino.

Goldwin Reviews

99% FILIPINO MOVIE REVIEWS

0 comments

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
bottom of page