ANIMAL
- 3 days ago
- 3 min read
A . NI . MÁL (Cinemalaya 2026)
Written & Directed by Dustin Celestino

Malakas ang simula. Nakakapagod sa gitna. Nakakapanlumo sa dulo.
Kapag nakita mo ang mga unang eksena, hindi mo alam kung ano ba ang bubungad sa’yo. Ang kamera ay may sinusundan na nilalang. Parang horror dahil sa tunog. Parang documentary dahil sa anggulo ng kamera. Akala mo wala masyadong mangyayari, ngunit itong sandali pala na ito ang siyang huhubog sa buong pelikula.
Ang nilalang pala na ito ang siyang magiging hudyat upang lumabas ang mga animal.
Nakakabaliw ang diskyuson tungkol sa kaganapang iyon. Nagsulputan ang iba’t ibang opinyon. Makatwiran ang sinasabi ng iilan. Karamihan ay nagdudulot ng katatawanan. Sa bawat opinyon na lumalabas, makikilala mo kung sino ba talaga sila.
Palipat-lipat ka ng kakampihan. Minsan, madali silang maintindihan. Minsan, mahirap din silang husgahan. Tulad ng animal na kayang magbalat-kayo, hindi mo sila pwedeng tingnan sa iisang anyo lamang.
Nabibigyang pansin kung meron ba talagang dalisay pagdating sa ideolohiya. Maganda ang kanilang nasabi tungkol sa kapintasan ng demokrasya.
Nakatulong ang atake na kanilang ginagawa sa kamera upang mas maging nakakatawa ang mga eksena. Makaluma ang hitsura ng pelikula, ngunit abot pa rin hanggang kasalukuyan ang mga paksa.
Lakas ng trip kapag may zoom in at zoom out sa pagmumukha ng karakter. Ang video effects na cross fade at abrupt ay nakadagdag din sa amats ng pelikula.
Hindi malilimutang sandali nang inawit nila ang orihinal na kantang “Saklolo” (na sinulat ni Dustin Celestino at areglo ni Pau Protacio), dahil naging paligsahan ito ng kanilang kakayahang umarte.
Mahusay makipaglaro ng isipan at emosyon si Maxine Ignacio. Ang kanyang derechahang pagganap ay may kakayahang makapagbigay ng asar, awa, at saya.
Halimaw sa facial expressions at voice intonation si Frances Makil-Ignacio. Sisiw na ang ganitong klaseng karakter para kay Jojit Lorenzo. Natural ang pagiging animal ni Reymund Domingo. Malaya kung makapag-bigay ng saloobin si Anthony Falcon.
May taglay na ningning ang presensya ni Bituin Escalante. Ngunit kapag masyadong mahaba na ang kanyang sinasabi, mahirap na itong pakinggan. Nawawala ang train of thought. Marahil dahil sa phrasing at kung paano pinutol ang mga pangungusap. Karamihan ay sunod-sunod binanggit nang walang hinto at walang pagkakaiba sa tono.
May ilang eksena na sobrang haba ng monologue. Bagamat may punto ang sinasabi, mas maganda kung may palitan pa rin ng iba’t ibang opinyon.
May ilang punchline na paulit-ulit na babanggitin, ngunit nawawala ang bisa nito sa katagalan. Hindi swabe ang ilang pagbitaw ng linya at halatang pilit na ipinapasok ang ilang salita para may mapag-awayan.
Maraming gustong ipahiwatig ang pelikula. Maraming sunod sunod na sinasabi patungkol sa iba’t ibang paksa. Sa dami ng nais sabihin, wala na masyadong nanatili. Sa dami ng gusto nilang puntahan, wala na masyadong nanahan.
Tinuring komedya na lang din ang mga problema, at hindi na kailangang seryosohin.
Masakit marinig ang katotohanan na puro lang ngawa ang mga Pilipino at kulang sa gawa. Katulad lang din ng pelikulang ito na puro salita.
Masayang pagtawanan ang ilang politiko na nahihirapan, ngunit mas katawa-tawa ang mga Pilipinong patuloy itong sinusuportahan.
Sa huli, para bang mas masahol pa tayong lahat sa animal — na siyang hindi marunong mag-isip para sa ating kinabukasan.
𝐀𝐍𝐈𝐌𝐀𝐋
Cast: Maxine Ignacio, Frances Makil-Ignacio, Jojit Lorenzo, Bituin Escalante, Reymund Domingo, Anthony Falcon
Release Date: August 6-18, 2026 for Cinemalaya
A Movie Review by: Goldwin Reviews

Comments