top of page

BAGETS THE MUSICAL

  • 2 days ago
  • 3 min read

Kapag sa Newport Performing Arts Theater ginanap ang isang musical, usually bongga ang mga props dahil malawak ang kanilang venue. Ngunit dito sa Bagets, alanganin ang prod design. Karamihan ay mukhang pinaglumaan na at parang bibigay na. Bihirang makatulong ang LED background visuals.


Makulay ngunit halo-halong tingnan ang costume design. Madalas, hindi na napapansin kung sino ang mga bida. Hindi sila umaangat kapag marami ng tao sa stage. Ang mga ilaw ay hindi masyadong nasusulit para magkaroon ng maayos na spotlight.


Mabagal ang mga transition kapag lumilipat sila papunta sa kasunod na eksena. Ilang segundong blanko at walang nangyayari sa entablado. Kitang kita kung paano sila nag-aayos ng set pieces.

Mahaba ang mga daldalan at sermon. Paulit-ulit ang kanilang sinasabi. Paligoy-ligoy at halos pinapahaba ang mga problema para sa ending pa masolusyonan. Kapag nakakapagod nang pakinggan ang mga usapan, effective na ice breaker ang pagpasok ng mga sponsor advertisements.


Maikli ang mga kantahan. Nakaka-bitin sa pakiramdam ang mga performances dahil patingi-tingi lang ang mga linya nila. Alanganin minsan pumalakpak, dahil bihirang magkaroon ng magandang pagtatapos ang mga kanta.


Marami kang mapapansin na hindi kaaya-aya sa musical. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang upang makapagbigay sila ng panandaliang aliw at pangmatagalang mga leksyon sa buhay.

Nakakatuwa ang wordplay na ginawa sa mga kanta (lalo na dun sa 𝘑𝘶𝘴𝘵 𝘎𝘰𝘵 𝘓𝘶𝘤𝘬𝘺 at 𝘛𝘦𝘭𝘦𝘧𝘰𝘯𝘦 𝘓𝘰𝘯𝘨 𝘋𝘪𝘴𝘵𝘢𝘯𝘤𝘦 𝘈𝘧𝘧𝘢𝘪𝘳). Naaayon ito sa pinagdaraan ng mga karakter. Ang salitan ng kanta at ang batuhan ng linya ay maayos ding naisagawa. Masayang tingnan kapag sinasamahan nila ito ng sayaw.


Magaling ang mga gumanap na magulang. Lahat sila ay marunong makisabay. Walang naiiwan kina Neomi Gonzales, Natasha Cabrera, Mayen Cadd, Ring Antonio, at Carla Guevara Laforteza. Angat na angat ang kanilang bosesan sa kantang 𝘚𝘵𝘢𝘵𝘦 𝘰𝘧 𝘵𝘩𝘦 𝘕𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯.


Hindi lamang alindog ang meron si Ava Santos, taglay din niya ang maganda at makapangyarihang boses. Hindi siya nahihirapang bumirit habang umaarte. Kitang kita ang pagiging flexible at versatile na theater actor ni Gie Onida dahil naitawid niya ang pagiging Father of All Seasons.


Kahit maikli lang ang lecture na naisagawa ni Andrea Babierra, nakapagbigay pa rin siya ng saya dahil sa paraan kung paano niya binibigkas ang kanyang bawat salita. Imposibleng hindi mapansin ang high energy at everlasting power ni Roi Calilong. Mabilis niyang napapatayo at nakukuha ang atensyon ng mga tao.


Kadalasan, ang supporting cast at ensemble ang tumataguyod ng mga eksena. Nagiging background na lang ang mga bida. Hindi consistent ang kanilang mga performances.


Pilit ang accent na ginagawa ni Migo Valid. Pag kumakanta siya, kinakain niya ang mga salita. Hindi klaro ang kanyang sinasabi. Kapos din siya sa emosyon lalo na pagdating sa mabibigat na eksena.


Maganda ang boses ni Ethan David. Naaabot niya ang matataas na nota. Ngunit hindi siya gaanong naririnig kapag mababa na ang kanyang kinakanta. Kailangan niya sigurong i-modulate ang boses niya para naririnig sa buong teatro. Kulang din siya sa stage presence.


Disenteng aktingan at kantahan ang naibigay ni Mico Chua. Ngunit hindi ito sapat upang siya ay mapansin at umangat sa kanyang ginagawa. Kahit siya lang ang nagsasalita, mabilis din siyang natatabunan ng iba.


Swak na swak ang role para kay Noel Comia Jr. Mula sa pananalita, sa tikas, hanggang sa pananamit, kuhang kuha niya ang nirerepresenta ng kanyang karakter. Natural niyang nagagawa ang pagiging awkward. Klaro rin siyang kumanta.


Si Jeff Moses ang pinaka-nakakabilib at nakakagulat sa lahat. Hindi halatang theatrical debut niya ito. His role features karate, which complements his triple-threat abilities: smooth dance moves, a stable voice, and convincing acting chops. He deserves to be seen more often on the theater stage, where his talent can truly shine.


Kapag pinagsama-sama ang magagaling na cast members, mga nakakaantig na kanta at mga pangaral sa buhay, lumalabas ang ganda ang musical na ito.


Naligaw man ng landas ang mga karakter, hindi nawala ang pagiging Pinoy ng kwento. Ang mahirap pag-usapan sa totoong buhay ay papasadahan nila dito.


Matanda man o bata, gets na gets ang kanilang pinagdaraanan. Hindi lamang ito pang-Bagets, mas makabuluhan kapag kasama ang pamilya.


Dahil hindi natatapos sa Bagets ang pagiging estudyante. Hanggang sa pagtanda ay meron pa ring natututunan.


Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
  • facebook
  • X
  • instagram
  • youtube
  • letterboxd
  • gmail

Goldwin Reviews

© 2025 Goldwin Reviews. All Rights Reserved

bottom of page