top of page

BAHAY-BAHAYAN

  • 1 day ago
  • 3 min read

Updated: 4 hours ago

Bahay-bahayan (2026)

Directed by: Joy Aquino


Merong anthology special ang Viva featuring Ashtine Olviga. Usually kapag ganito, expected na magpapakitang-gilas talaga ang bida dahil siyempre, sariling show niya yan. Pero ang kagandahan dito ay hindi trying hard at hindi sobrang OA ang atake para lang maipamalas ang galing niyang yun.


Mula sa kanyang pelikula na 𝘔𝘪𝘯𝘢𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭 hanggang sa 𝘔𝘢𝘯𝘪𝘭𝘢’𝘴 𝘍𝘪𝘯𝘦𝘴𝘵, makikitaan mo na siya kaagad ng potensyal. At dito sa 𝘉𝘢𝘩𝘢𝘺-𝘣𝘢𝘩𝘢𝘺𝘢𝘯, alam mong hindi siya nakikipaglaro.


Kahit batikang artista ang kasama niya, hindi siya nagpapalamon. Marunong siyang makipagsabayan. Gayunpaman, mas lumalabas ang kanyang galing kapag mag-isa lang siya sa eksena…

Kahit nakaupo lang siya sa swing ride, tumataas ang antas ng kanyang pag-iyak at pag-sigaw. Kasabay ng pag-ikot ng kanyang upuan ay ang pagbabago sa kanyang hitsura at nararamdaman.


Pagdating sa pagbitaw ng mga emosyon, siya ay maaasahan. Pagdating sa pagbitaw na mga linya, sana ay mas maging taimtim at mas klaro pa ito para mas maging malinamnam itong pakinggan. Mabilis na lang niyang maayos yun—lalo na’t may matibay na siyang pundasyon pagdating sa pag-arte.

Nakaka-miss makitang muli sa heavy drama si Claudine Barretto. Hindi pa rin naglalaho ang kanyang husay. Nagagamit niya ang kanyang mukha, mata, at boses para maiparating ang kanyang saloobin. Sana magkaroon pa siya ng mga proyekto kung saan maipapakita niya ang kanyang acting prowess na pang-Optimum level.


Bata man sa paningin, si Natania Guerrero ay may kakayahang manuklaw din. May kaakibat na lungkot at hugot ang kanyang pag-iyak. May pupuntahan ang batang ito.


Tatlong tao lamang ang madalas ipakita, ngunit sapat na ito upang makabuo ng tahanan. Wala pang isang oras ang pelikula, ngunit sapat na ito upang makapaghatid ng kwento.


Kahit maiksi lang ang oras, kalmado pa rin sila sa pagkwento. Nailarawan nila kung anong klaseng pamilya ang meron sila. Unti-unting namumuro at nagkaka-inisan ang mga karakter. May biglaang pagsabog ng galit.

Medyo bitin ang confrontation dahil hindi nila gaanong natutumbok ang mga dapat pag-usapan. May mga quotes din na biglang nasisingit na hindi natural pakinggan. Ang hirap panoorin kapag nagsisigawan sila sa harap ng bata.


Nakakaasar na nakakatawa yung ginawang endorsement para sa White Rose Papaya dahil ang product testimonial ay nanggaling sa patay.


Pinatugtog ang ballad version ng “𝘐𝘬𝘢𝘸 𝘗𝘢 𝘙𝘪𝘯 𝘈𝘯𝘨 𝘗𝘪𝘱𝘪𝘭𝘪𝘪𝘯 𝘒𝘰” by Marion Aunor. Ang mismong instrumental ay angkop sa mood ng pangunahing karakter. Ngunit hindi swak ang lyrics sa mga kaganapan. Ang musical scoring naman, kahit pasulpot-sulpot lang, ay naaalalayan ang bigat ng emosyon na kanilang dinadala.


Alanganin sa pakiramdam ang ending dahil nagtapos ito sa gitna. Hindi masaya. Hindi malungkot. Wala masyadong naresolba. Ngunit sa kabilang banda, ito ay makatotohanan din dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay nalulutas sa isang iglap ang mga problema.


Maganda sana ang credits scene pero sana nasa left side na lang yung mga lumalabas na texts para hindi nahaharangan yung mukha ng mga artista.


Hindi masyadong nagamit ang konsepto na meron ang pamagat. Imbes na bahay, mas angkop ang perya dahil dun nagsimula at nagtapos ang kwento.


Magaling ang paggamit sa perya bilang lugar kung saan pwede ka magtago ng emosyon. Sumigaw ka man ay hindi mahahalata kung dahil ba ito sa takot, saya, o lungkot.


While the acting performances lay a solid foundation, the film still lacks the playfulness and thoroughness in its material to fully stand strong. Its subject matter is left up in the air.


𝐁𝐀𝐇𝐀𝐘-𝐁𝐀𝐇𝐀𝐘𝐀𝐍

Cast: Ashtine Olviga, Claudine Barretto, Natania Guerrero, Lui Manansala

Screenplay by: Shane David

Presented by: Viva One / Studio Viva

Release Date: April 4, 2026 on Viva One app

A Movie Review by: Goldwin Reviews


  • facebook
  • X
  • instagram
  • youtube
  • letterboxd
  • gmail

Goldwin Reviews

© 2025 Goldwin Reviews. All Rights Reserved

bottom of page