top of page

BAKA DOON SA BUWAN

  • Jan 8
  • 2 min read

Baka Doon Sa Buwan (2025)

Written & Directed by: Noah Tonga


Kapag ang bida ay bata at marunong pang umarte, agad mo itong kagigiliwan. Kapag nalaman mong palaban din ang kanyang karakter, lalo ka pang hahanga sa kanya. Sa kabila ng mga pagsubok, hindi siya basta-basta natitinag.


Ang mga katangiang ito ang siyang mag-uudyok sa’yo upang patuloy na panoorin ang pelikula. Akala mo madilim na ang kinabukasan, pero nagagawa nilang maging makulay parati ang kapaligiran. Tragic ang nangyayari, ngunit hindi nila ipinapahalata.


Maganda na nagagawa nilang magaan ang mga eksena. Merong pakiramdam na magiging okay ang lahat. Ngunit dahil din dito, hindi masyadong ramdam ang bigat ng sitwasyon. Hindi nabibigyang diin ang mahahalagang bagay. Hindi ganun kalakas ang mga relasyong nabubuo at nawawala.


Pangarap maging astronaut ng batang bida. Tulad ng malawak na kalawakan, ang pelikula minsan ay naliligaw kung saan pupunta. Madalas ay nakalutang ang mga karakter sa langit dahil parating mataas ang mga enerhiya nila. Hindi sila nakakalma.


Hanggang sa dulo, hindi ka sigurado kung matutuwa ka ba o malulungkot para sa kanila. Pinagsama bigla ang mga halu-halong agam-agam.


Ang pinaka-sigurado lang ay hindi ito nawawalan ng pag-asa. Malawak man ang kalawakan, hindi naglalaho ang kinang ng mga bituin. Ang liwanag na kanilang taglay ang siyang nagsisilbing ganda ng pelikula.

Ang saya panuorin ni Leo Bruno. Nakakaaliw at mahalaga ang suportang naibibigay ni Jed Cuestas sa mga eksena.


Kahit hindi niya i-kwento nang buo ang kanyang pinagdaanan, naibabahagi ni Kate Alejandrino ang samu’t saring emosyon ng kanyang karakter. Kaya niyang magpalit ng damdamin nang hindi nakakailang panoorin.


Palaban ang atake ni Aaliyah Marciano, ngunit nagagawa pa rin niyang kumurot ng puso sa tuwing siya’y umiiyak na. Kapag napanuod mo siya, masasabi mong maliwanag ang kanyang kinabukasan.


May taglay na ningning ang pelikula. Kahit hindi mo ito makita buong magdamag, alam mong nandyan lang siya. Parang buwan na lumulubog at lumilitaw, ngunit hindi nawala.


𝐁𝐀𝐊𝐀 𝐃𝐎𝐎𝐍 𝐒𝐀 𝐁𝐔𝐖𝐀𝐍

Cast: Aaliyah Marciano, Kate Alejandrino, Jed Cuestas, Leo Bruno, Mimi Felicia

Presented by: MAVX Productions, iWant

Release Date: December 28, 2025 on iWant

A Movie Review by: Goldwin Reviews


Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
  • facebook
  • X
  • instagram
  • youtube
  • letterboxd
  • gmail

Goldwin Reviews

© 2025 Goldwin Reviews. All Rights Reserved

bottom of page