BONGGA KA DAY MUSICAL
Hindi bongga ang musical na ito.
Ang lamya ng direction. Andaming dead air. Hindi pinag-isipan ang mga transitions. Kadalasan, pinapatay na lang ang ilaw para makatawid sa susunod na eksena. Ilang seconds na walang nangyayari sa stage. Nakikita mo silang nag-aayos at inuusog ang mga props. Kapag may nagbibihis sa harapan, kitang-kita rin.
Okay sana yung prod design, lalo na yung maraming TV sets. Pero hindi siya nagagamit sa mga eksena. Hanggang background lang siya. Okay din sana yung ilan sa mga costumes, pero hindi ito nabibigyan ng pansin. Dumaraan lang sila ng ilang segundo., tapos echepwera na.
Ang tamlay ng mga usapan. Madalas ay hahanapin mo kung nasaan ang banda dahil sa katahimikan. Hindi nasusuportahan ng musika ang mga kaganapan.
May kinalaman ang kwento sa fashion design, pero hindi maganda ang pagkakatahi sa mga eksena. Watak-watak ang script.
Panay banggit lang sa pangarap, pero walang ginagawang matinong hakbang para makamit yun. Puro pag-iinarte at dinadaan lang sa mga salita. Hindi nakikita ang paglalakbay.
Biglang nagkakaroon at natatapos ang mga love story. Mahina ang chemistry ng mga leads. Hindi ramdam ang pagmamahalan. May kanya-kanya silang buhay at mukhang isiningit lang ang love angle.
Hirap ding makabuo ng koneksyon ang pamilya. Magkaiba ng accent ang ina at ang anak. Halatang hindi sila magkaano-ano. Mas papasa silang landlady at boarder.
May negosyo na nalulugi, pero hindi kita ang effort na ito’y buhayin. Tapos pagdating sa dulo, magugulat ka na may solusyon na pala. Hindi man lang nag-abala magresearch at kumausap ng mga customer. Derecho launching na kaagad.
Sobrang minadali at pilit ang ending. Literal na fast forward ang nangyari. Dinaan sa timestamp at nagpakita na lang ng year at month para malaman na lumipas na ang panahon. Ang tamad lang.
Andaming side events at characters na basta-basta na lang sumusulpot. Hindi mo alam kung kaninong istorya pa ba ang sinusundan mo. Andaming kaagaw ng bida sa atensyon.
Kapag nagsasalita si Atasha Muhlach (Annie Batungbakal), nangingibabaw ang kanyang accent. Dahil dun, may disconnect na kaagad sa kanyang karakter. Maliit ang kanyang mga kilos at reaksyon kaya mahirap itong mapansin sa napakalaking entablado. Unstable pakinggan kapag siya ay kumakanta. Sobrang kaunti at patingi-tingi lang ang kanyang singing lines. Mahina ang kanyang boses kaya mabilis itong matabunan kapag may iba na siyang kasabay.
Hindi bagay ang role at ang mga kanta kay KD Estrada (Burn). Hindi lumilitaw ang ganda ng kanyang boses.
Nakikita ang effort ni Anthony Rosaldo (Romer) na bigyang buhay ang karakter. Nagkakaroon ng kaunting thrill kapag binibirit niya ang ilang mga linya.
Kapos sa energy si Dindo Divinagracia (Tarurit). Nagmamadali siyang magsalita. Hindi niya ninanamnam ang mga linya.
Saktuhan lang si Yani Lopez (Iste). Kailangan pa niyang i-todo ang pag-deliver ng mga lines upang siya'y mas mapansin. Para rin siyang kinakabahan kapag siya'y kumakanta.
Effortless kumanta at umarte si Ring Antonio (Aurora Pasion). Naisapuso ni Air Paz-Pablico (Suzy Batungbakal) ang pagiging nanay. Kampante ka kapag sila ang nasa eksena dahil alam mong gagalingan nila.
Ang handog na performance ni Akie Cedilla (Amor) ay hindi lamang pandesal, meron din itong palaman. May flavor ang kanyang boses. Masarap itong pakinggan.
Maaasahang partner si Gerhard Krysstopher (Toots). Kaya niyang buhatin ang kanyang sarili, ngunit marunong din siyang umalalay sa kanyang mga kasama.
Hataw na hataw si Bombading, at nararapat lang na bigyan pa siya ng spotlight.
Franco Ramos slays whenever he speaks. Nakakatawa siya. Meron siyang potensyal. In English, he has potential — an emerging star to watch out for.
Magaling ang ensemble at ang ilang supporting cast. Hasang-hasa na ang kanilang boses. Deserve nilang magtanghal sa entablado. Kapag hindi na sila ang kumakanta at nagsasalita, lumalaylay ang palabas.
Sa musical na ito, walang dating ang mga kanta ng Hotdog. Maski yung kantang Bongga Ka Day, hindi rin siya bongga pakinggan. Dahil hindi ramdam ang mga karakter, hindi tumatagos ang kanilang mga kinakanta. Dahil hindi maganda ang script at direction, hindi siya enjoy panoorin.
Ang rendition sa mga kanta,
hindi bongga kundi matamlay.
Mula sa kwento hanggang sa direksyon,
hindi bongga kundi sabog.
Hanggang sa casting,
hindi bongga kundi kulang.
Mas bagay ang kantang “Kulang” ng Hotdogs bilang pamagat ng musical.
Hindi siya bongga ka day.
Kundi kulang pa day!


I agree! 'Yan ang resulta kapag pilit ang casting at nepo baby ang sinalang, hilaw pa sa theater experience, sinabak agad sa isang lead role. Maraming deserving sa lead role na mas magaling pa pero pinilit pa rin ang bumida. Nakakadismaya.