Call Me Alma (Vivamax 2023)
Directed by: McArthur Alejandre
May isang puta.
Ang pangalan niya ay Alma.
Hindi alam kung saan siya pupunta.
Naliligaw ang istorya at ang direksyon.
Dinaan na lang lahat sa narration.
Convincing ang boses ni Azi Acosta kapag nag-na-narrate. Karamihan ng detalye ay sinasabi na lang niya. Magugulat ka na lang dahil ang mga problema ay naresolba na. Wala nang eksenang ipinapakita. Sasabihin na lang niya na maayos na ang lahat.
Ang kanyang paglalakbay bilang isang puta ay naging panandalian lamang. Andaming karakter na ipinakilala sa simula. Akala mo importante sila dahil andaming sinasabi tungkol sa kanila. Tapos hindi naman pala sila mabibigyan ng pansin. Naging ekstra na lang silang lahat sa huli.
Biglang sumulpot si Jaclyn Jose. Napunta na sa ikalawang yugto ang mala-teleseryeng istorya na ito. Hindi maganda kung paano ipinagsama ang unang yugto papunta sa ikalawang yugto. Pwede silang pumasa na dalawang magkaibang pelikula.
Minsan ay nakakasabay si Azi Acosta sa galing ni Jaclyn Jose. Pero madalas ay hindi akma ang kanyang akting sa mabibigat na eksena. Bigla na lang siyang magwawala at iiyak. Walang bwelo. Walang pinanghuhugutan.
Gusto mong mahulog sa relasyon nina Jaclyn Jose at Azi Acosta, pero kakarampot lang naman ang naipakita nila. Hindi buo ang pagkakasulat para sa kanilang mga karakter. Kulang-kulang ang mga usapan. Pilit ang ibang ganapan. Hindi malinis ang daloy ng istorya.
Tanging ang narration na lang paraan para mapag-sama-sama nilang lahat ng naipakita nila. Hindi na nila alam kung ano na ang kanilang kwento at kung sino ba talaga sila.
Para magkaroon man lang ng pagkakakilanlan ang pelikulang ito, tawagin na lang natin siya sa pangalang Alma.
CALL ME ALMA
⭐️
Cast: Azi Acosta, Jaclyn Jose, Gold Aceron, Josef Elizalde, Gold Aceron, Mon Confiado, Soliman Cruz
Written by: Ricky Lee
Presented by: Viva Films
Release Date: August 23, 2023 via Vivamax Plus; September 1, 2023 via Vivamax
*Watched via Advance Screening
A Movie Review by: Goldwin Reviews
Comments