HE’S DATING A BOLDSTAR
He’s Dating A Boldstar (2026)
Directed by: Niokz Arcega

Individually, marunong umarte ang dalawang bida. Pero kapag pinagsama sila, walang chemistry. Parang isang mahabang prank ang pag-usbong ng kanilang relasyon. Parang nag-collab lang sila for the content. Hindi organic.
Anticlimactic kung paano nagkakilala ang dalawang bida. Bigla na lang nagkabanggaan. Walang ginawang build up bago umabot sa eksenang iyon.
Hindi nagagabayan ang mga artista. Maayos sana ang kanilang mga facial reaction, pero hindi ito nakukuhanan nang maayos.
Hindi pinag-isipan ang mga shots. Nakapatong lang parati sa harap ang kamera. Kung mag-iba man ng anggulo, wala ring masyadong pinagbago. Nakakasawa tingnan.
Kahit may potensyal ang mga jokes at ang delivery, nagmumukha siyang corny dahil walang umaalay na musical scoring. Tunog ng kuliglig na lang ang kadalasang marinig. Napakatahimik.
Hindi akma ang mga kanta ng Silent Sanctuary sa mga nangyayari. Masyadong pilit magpaka-serious at dramatic kahit hindi naman bagay.
Dalawang oras ang pelikula, pero andaming eksena na pwede pang paikliin at tanggalin. Lahat na lang ay inilagay. Hindi na sila namili. Lagapak sa editing. Ampanget ng color grading.
Ang audio dubbing ay parang Koreanovela dahil halatang pinatong lang ang mga boses nila. Hindi pa sumasabay sa buka ng bibig. Hindi rin maganda ang visuals at filter na ginawa para sa dream sequence, sa movie clip, at sa totoong eksena.
Walang kwenta subaybayan ang mga karakter. Basta-basta na lang sinisingit ang pagiging frustated rockstar ng bida. Wala ring naibigay na anggulo para sa boldstar. Ang random ng pagkakalagay ng problema sa tatay at sa pamilya.
Sa bandang huli, lantaran na silang tinamad magkwento. Puro summary na lang ang ipinakita. Ang chaka pa ng mga clips.
Sayang si Malupiton dahil nakakatawa siya outside this movie. Sayang si Analyn Barro dahil matino siyang umarte.
Kung ang boldstar ay walang kasuotan at nakikita ang laman, ang palabas naman na ito ay walang laman.
Dahil sa katamlayan ng direksyon, sablay ang mga patawa at nakakabagot ang mga drama. Sana nilagay na lang ito for online content. Hindi siya bagay sa sinehan.
𝐇𝐄’𝐒 𝐃𝐀𝐓𝐈𝐍𝐆 𝐀 𝐁𝐎𝐋𝐃𝐒𝐓𝐀𝐑
Cast: Malupiton, Analyn Barro, Kolokoy’s TV, Rob Sy, Aleck Bovick, Leandro Baldemor, Atha Quevedo, Mac Temones, Joshua “Awit Padigos” Padigos, Dominic “Happyfriend” Biong, Bonn Earl Aquino, Nelson “Porman” Niello
Screenplay by: Anjo Inacay, Clara Angelica Quevedo
Presented by: NKO Films, NKO Film Studio Production
Release Date: October 28, 2026 in Philippine cinemas nationwide
A Movie Review by: Goldwin Reviews

Comments