top of page

ITI MAPUKPUKAW

Iti Mapukpukaw / The Missing (Cinemalaya 2023) Directed by: Carl Joseph Papa


Si Eric ay nawalan ng boses dahil sa alien. Tutulungan mo ba siyang makapagsalitang muli?


Ang pelikulang ito ay may hangaring tumulong, at damang-dama mo ito sa kanilang mensahe.


Mukha silang nakikipaglaro sa alien, ngunit napaka-seryoso ng kanilang ipinaglalaban. Kahit drawings lang minsan ang nakikita mo, alam mong hindi ito drawing. Totoong nangyayari ang mga ito. Hindi ito kathang-isip lamang.


Ang klase ng animation na ginawa nila ay “rotoscope animation” kung saan may totoong eksenang kinunan pagkatapos ay isa-isa nilang ginuhitan ito frame-by-frame para maging animation. Kitang-kita mo ang kaluluwa sa likod ng kanilang mga mata. Ang kanilang bawat kilos ay nadarama. Tumatagos ang kanilang damdamin.


Maraming metapora na nakakabit sa mga eksena, ngunit ang mensahe ay naiparating pa rin nang maayos at tapat.


Tulad ng alien, nagsimula ang pelikulang ito sa anyong hindi mo makilala. Hanggang sa unti-unti mo itong naintindihan at naunawaan. Nagkaroon ito ng katauhan. Naging tao ang pelikulang ito na dapat mong pakinggan at pahalagahan. Kung lahat ay marunong makinig, walang mawawalan ng boses.


Hindi lang pakikinig ang nagawa ng pelikulang ito, nagbigay din sila ng boses.


Walang kulang sa pelikulang 𝘛𝘩𝘦 𝘔𝘪𝘴𝘴𝘪𝘯𝘨. Ito ay isang animation film na kaya mong ipagmalaki sa iba dahil punong-puno ito ng buhay, kulay at pag-asa.


ITI MAPUKPUKAW / THE MISSING

⭐️⭐️⭐️⭐️⭐️ Cast: Carlo Aquino, Gio Gahol, Dolly de Leon Presented by: Project 8 Projects, Cinemalaya 2023 Date Released: August 5, 2023 at the PICC; February 24, 2024 on Netflix A Movie Review by: Goldwin Reviews

bottom of page