MIDNIGHT GIRLS
- May 10
- 3 min read
Updated: May 30
Midnight Girls (2026)
Written & Directed by: Irene Emma Villamor

The Best Filipino Film so far this 2026.
Respeto ang salitang mangingibabaw pagkatapos mong masaksihan ang mga babaeng ito.
Mahirap ang buhay simula pa noon hanggang ngayon. Sa dami ng crisis, hindi mo na alam kung saan ka kukuha ng pera at ng lakas. Kapag walang wala ka na, pwede kang humugot sa kanila. Kapag ang araw mo ay palubog na papuntang hatinggabi, Midnight Girls ang siyang magbibigay liwanag.
Hindi nila ipapahalata ang hirap at pagod. Mukha silang masaya at kontento sa kanilang ginagawa. Habang tumatagal, lumalabas ang kanilang tunay na saloobin. Imbes na kaawaan sila, mas mananaig ang pang-unawa para sa kanilang kalagayan.
Dahil OFW, may mga eksena na kaharap lang nila ang telepono. Bagamat hindi nila katabi ang kanilang mga kausap, nakakalabas sa screen ang mga karakter at nangangalabit ng emosyon. Malakas ang kanilang koneksyon.
Masakit pakinggan ang katotohanan.
Mula sa panunumbat ng anak hanggang sa responsibilidad ng magulang, nananampal ito ng realidad. Hindi ka maka-ilag kasi totoo. Mahusay kung paano ibinahagi ang sitwasyon sa Pilipinas. Malinaw kung bakit kailangan magtrabaho sa ibang bansa. Bagamat puro salita ang naririnig mo, nabigyang larawan ang kanilang mga dahilan.
Maliban sa mababang pagtingin sa kanila ng tao, may personal na problema rin silang pinagdaraanan. Maliban sa crisis ng bansa, may crisis na pansarili rin silang iniintindi. Babaeng mababa ang lipad kung sila’y tawagin, ngunit mataas na respeto ay siya ring hangarin.
May kirot sa dibdib kapag nahaharap sila sa katanungan kung makakalipad ba sila nang mataas para maabot ang kanilang pangarap, o kung tuluyan na ba itong naglaho sa ulap.
Sa dami ng mga problema, wala ng oras para magnilay pa. Napuputol ang ilang eksena. Hindi nila ugaling magbabad para namnamin ang mga sandali. Ang mga usapan ay maiiksi lamang ngunit ito naman ay malaman at derechahan.
May kanya-kanyang “jutsu” o technique na ginagawa ang mga artista.
Saludo sa naging pagganap ni Jodi Sta. Maria na punong puno ng dignidad at paninindigan. Dahil sa kanyang pagiging authentic, naging mabenta si Sanya Lopez bilang isang Material Girl. Nabigyan ni Jane Oineza ng hustisya at kapani-paniwalang representasyon ang kanyang karakter. Maliban sa mga linya, ang mga mata ni Loisa Andalio ang nangunguna sa pananalita.
Bagamat nasa loob ng cellphone screen lang nakikita sina Shamaine Buencamino, Meryll Soriano, at Zaijian Jaranilla, lumalabas ang kanilang presensya. Ginawang sandata ni Zaijian Jaranilla ang mga salita upang makapagbigay ng hapdi at ngiti sa kapwa.
There’s a portion where real-life entertainers are being interviewed. It seems like a removable piece at first, but it ultimately makes the movie whole.
While Japan’s beauty is evident, the cinematography doesn’t dwell on the scenery. It serves as an essential backdrop, acting as a temporary attraction or distraction from life’s devastation.
Dance numbers from the main cast are limited, but it ultimately suits the film’s purpose. The story focuses more on their lives than on the specifics of their job.
Makikilala mo ang mga babaeng ito sa labas ng kanilang trabaho. Buhay nila ang siyang hahanapin, imbes na hanapbuhay. Nakakalungkot isipin na kahit anong kayod man ang gawin, hindi pa rin sapat upang mabuhay.
Sa kabila ng lahat, walang kang choice kundi ang lumaban. Totoo nga ang kasabihang hindi tayo pinalaki ng Sexbomb para lang bumawi.
Hindi lamang palaban ang Midnight Girls bilang isang pelikula. Bawing bawi rin pagdating sa representasyon. Hindi lang palakpak ang nararapat nilang makuha.
It deserves the kind of respect
that goes beyond midnight.
𝐌𝐈𝐃𝐍𝐈𝐆𝐇𝐓 𝐆𝐈𝐑𝐋𝐒
Cast: Jodi Sta. Maria, Sanya Lopez, Loisa Andalio, Jane Oineza
with: Zaijian Jaranilla, Miggy Jimenez, Meryll Soriano, Shamaine Buencamino
Presented by: TJAV Productions
Release Date: May 13, 2026 in Philippine cinemas nationwide
A Movie Review by: Goldwin Reviews
What’s your rating for MIDNIGHT GIRLS?
0%5/5
0%4/5
0%3/5
0%2/5

Comments