top of page

MIDNIGHT IN A PERFECT WORLD

Midnight In A Perfect World (QCinema 2020)

Directed by: Dodo Dayao


Apat na magkakaibigan ang nagtutulungan upang takasan ang “kadiliman”. Sumilong sila sa isang “tahanan”. Hinawakan nila ang “dingding” kung matibay ba. Binuksan ang “kwarto” na nakasara. Kinain ang “magic balls” para mas maging protektado.


Napakaraming gustong ipahiwatig ng palabas na ito. Sa dami ng simbolismo, hindi na sila nagkwento. Wala ka nang sinusundang istorya. Naghahanap ka na lang nang susunod na ideya o konsepto na ipapakita nila.


Nakontento sila sa mga matatalinhagang linyahan at dramahan. Magbibitaw ng misteryosong mga salita. Gagawa ng kakaibang aksyon ang mga karakter. At dapat mong bigyan ng kahulugan ang lahat para maungkat ang pagiging malalim ng buong pelikula.


Nangibabaw ang kanilang mga camera movements, framing, lighting at sound design. Nakakaayang tingnan at pakinggan. Lahat ay nakadagdag para sa panlabas na kaanyuan lamang.


Sadyang ang hangarin ng palabas na ito ay itago lahat ng kanilang mensahe sa pamamagitan ng simbolo at disenyo. Depende sa kung saang anggulo mo titingnan, maaaring maihalintulad ang “kadiliman” sa mga hindi kaaya-aya o pinagbabawal na karanasan. Ang “tahanan” ay para sa gobyerno at bayan. Ang “dingding” ay nagsisilbing proteksyon at seguridad. Lahat ng ipapakita nila ay pag-iisipan mo kung ano ang kahulugan.


Wala ka nang maramdaman sa pinapanuod mo. Wala ka nang paki-elam sa mga karakter.


Lahat ng maaari mong makapitan ay ginagawa nilang hugis pangkalawakan. Hindi mo na ito makilala dahil pilit nilang ginagawang kakaiba.


Wala ka nang makita.

Binalot ng dilim ang buong pelikula.


MIDNIGHT IN A PERFECT WORLD

Rating: 0/5


Cast: Jasmine Curtis-Smith, Glaiza de Castro, Anthony Falcon, Dino Pastrano, Bing Pimentel

Presented by: Globe Studios, QCinema

Date Released: November 27, 2020 via QCinema

A Movie Review by: Goldwin Reviews

0 comments

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
bottom of page