top of page

SA DULO NG APITONG ST

Kahit hindi sila nagsasalita nung simula, naipakilala nila kung sino sila. Ang kanilang kilos ay sapat na upang maging kanilang boses. Alam mo kung ilang taon na sila at kung ano ang kanilang nararamdaman.


Nung nagkaroon na ng mga linya, kabaliktaran ang naging epekto. Imbes na ipakita ang mga eksena, madalas ay sasabihin na lang nila ang mga nangyayari. Dahil dito, hindi ramdam ang ilang paghihirap ng mga karakter. Sa dami ng kanilang sinasabi, may pagkakataon na hindi mo na rin sila maintindihan. Kinikulang sila sa maayos na diskusyon ukol sa problemang kanilang kinakasangkutan.


Bumagyo man o umaraw, nangingibabaw ang enerhiya ni Kaysha Celeridad. Dahil sa kanyang pagiging biba, nabibigyan niya ng buhay ang mga eksena. Samantalang ang kakulitan ni Josh Ice ay nagdudulot ng kasiyahan. Nakakatawa ang paraan ng kanyang pananalita. Kapani-paniwala ang naging pagganap ni Elisha Vistan. Hindi nawawala ang kanyang matikas na postura at tindig.


Hindi malinis ang blocking. Minsan ay puro likuran at ulo na lang ang nakikita mo. Malaking problema ito lalo na pagdating sa mga importang eksena. Hindi naitatawid ang mga emosyon dahil literal na may sagabal.


Alanganin ang posisyon ng mga ilaw. Nakakasilaw siya at inaagaw niya minsan ang atensyon mula sa mga karakter. Ngunit kapag nakatapat lang sa iisang tao ang ilaw, nakakatulong ito upang alalayan ang eksena. Nasa tamang tiyempo rin ang pag-patay-sindi nito.


Ang pinaka-epektibong elemento sa dulang ito ay ang mga tunog na ginamit. Ang mga musika ni Jeo Barlomento ay may kapangyarihang pumukaw ng damdamin. Sa bawat pagpatak ng ulan na iyong naririnig, dulot nito’y pangamba. Sa bawat luha ng mga karakter, kasabay nito ang nakakaantig na tunog na nangungurot ng puso.


Ramdam ang bigat ng huling mga sandali. Nakakaiyak ang usapan ng mag-ama. Sa isang iglap, nagkaroon ng saysay ang mga linya at nabalikan ang mga ala-ala. Kaakibat ng pagbuhos ng ulan ay ang pagpatak ng luha mula sa mga mata. Magandang buod ito sa lahat ng kanilang pinagdaanan.


Sa gitna ng kaingayan, nakahanap sila ng katahimikan. Sumikat muli ang araw pagkatapos mabagsakan ng bagyo. Sa Dulo ng Apitong St. ay may nabuong tahanan na pinagtibay ng trahedya at ng panahon. Nangangahulugan lamang na sa bawat dulo ay may nakaabang na simula.



 
 
 

コメント

5つ星のうち0と評価されています。
まだ評価がありません

評価を追加
  • facebook
  • X
  • instagram
  • youtube
  • letterboxd
  • gmail

Goldwin Reviews

© 2024 Goldwin Reviews. All Rights Reserved

bottom of page