SISA
- Mar 3
- 2 min read
Updated: 6 days ago
Sisa (2026)
Written & Directed by: Jun Robles Lana

Meron pa bang maituturing normal ngayon—kung ang kaguluhan ay naging parte na ng ating pamumuhay?
Hindi na nakakagulat panoorin ang pelikula.
Siguro dahil sanay na tayong mahirapan sa buhay.
Ang pagmamalupit ng mga Amerikano ay hindi gaanong naipakita. Puro salita ang nangyayari. Kulang sa eksena upang iparamdam ang kanilang kasamaan. Hindi naiipon ang galit mo para sa kanila. Imbes na gigil, mas nangibabaw ang pagka-mangha.
Maganda kung paano pinaglaruan ang hitsura at tunog ng pelikula. Hindi mo alam kung totoo pa ba ang mga nakikita mo. Mukhang larawan sa museo ang mga ulap at kalangitan.
Nakaka-dagdag sa misteryo kung paano ipinapakita ang pagmumukha ng mga artista. Metikuloso ang pagpili sa mga anggulo. Maraming pagkakataon na sinasalo nito ang kakulangan ng ilang aktor pagdating sa aktingan.
Nakakadala ang mga tunog. Ito ang kadalasang bumubuhay sa pelikula. Kapag nakakaantok na, may kakayahang manggising ang musical scoring.
Agaw-pansin ang mga teknikal na aspeto, dahil halos walang nangyayari sa unang bahagi ng pelikula. Patingi-tingi lang ang nalalaman mo. Halos wala kang masubaybayan. Antagal umusad ng mga eksena. Iniipon nila ang kanilang mga bala upang ibato lahat sa huli.
Bumawi sila sa bandang dulo. Sunod-sunod ang mga kaganapan at impormasyon. Mula sa pagkabagot, ikaw na ngayon ay nakatutok. Literal na walang pahinga. Ang haba ng continuous shot. Nakatulong ito upang hindi maputol ang nabubuong tensyon.
Nakaka-baliw ang kahibangan na naipamalas ni Jennica Garcia. Nagliliyab sa galit ang mga mata ni Eugene Domingo. Dama ang pag-asa kay Tanya Gomez. Binubuhat ng supporting cast at ng ensemble ang pelikula. Tulong-tulong sila upang maitawid ang mahahabang eksena.
Nagsilbing gasolina ang mga artista. Binubuhos nila ang kanilang galing. Sa kanilang bawat buga, unti-unting lumalaki ang apoy sa mga eksena.
Kung kailan nasa rurok na ang pelikula, nakaka-bitin sa pakiramdam na hindi pa rin ito tuluyang sumabog. Dinaan na lang sa editing upang ipakita ang elementong iyon.
Sa kabila ng kakulangan, nakapagsindi pa rin sila ng kaunting agam-agam tungkol sa digmaan. Ano ba talaga ang dapat na piliin… ang katahimikan o ang lumaban?
It’s crazy to think that whichever side you choose, the result is still madness.
𝐒𝐈𝐒𝐀
Cast: Hilda Koronel, Eugene Domingo, Jennica Garcia, Angellie Sanoy, Timothy Castillo, Nico Antonio, Barbara Miguel, Jorrybell Agoto, Janina Mendoza, Tanya Gomez
Presented by: The IdeaFirst Company, October Train Films, Quantum Films, Cineko Productions
Release Date: March 4, 2026 (Philippine cinemas)
A Movie Review by: Goldwin Reviews

legit ba to?