STUCK ON YOU
Stuck on You (CinePanalo 2026)
Directed by: Mikko Baldoza

Unang eksena pa lang, boses at mukha na ni Xyriel Manabat ang bubungad sa’yo. Masaya niyang nasimulan ang pelikula. Ang kanyang paglalahad at presensya ay punong-puno ng buhay at kulay. Todo bigay siya palagi. Hinding hindi ka niya titipirin. Nakakatawa kung paano siya magsalita at kumilos.
Sapat na ang kanyang ginagawa upang pasayahin ang buong pelikula. Ngunit mas nagiging nakakatawa ang mga eksena kapag sinasabayan ito ng makulit na direksyon ni Mikko Baldoza.
May pag zoom in at zoom out na para bang sobrang serious at suspenseful ang nangyayari. Naka-drag costume at make-up ang mga pulis na hindi mo malaman kung ano ba ang occasion. Nagkaroon ng candle wax sa kalbo. Ang pangalan ng mga establishments ay witty.
Sobrang random ng kanilang ginagawa. Walang makakapigil sa kanila. Kahit hindi sila sigurado kung benta, itutuloy pa rin nila. Dahil hindi sila na-stuck sa safe mode, naging nakakatawa siya.
May mga usapan na double meaning. Magaling dahil kahit kaninong anggulo mo siya tingnan ay may sense pa rin. Kapag pinagbangga at pinakinggan nang sabay ay laughtrip pakinggan.
LSS malala sa “Reyna ng Quezon City” ni Juana. Sana i-release sa madla ang mismong karaoke scenes, dahil kuhang-kuha nito ang vibe at kalutangan ng pelikula.
Maraming plotholes na basta-basta nilang nilulusotan. Akala mo normal lang dahil hindi nila ito pinapansin. Dahil sobrang laki ng butas, naging parte na siya ng pelikula. Masasanay at pagtatawanan mo na lang din.
Committed silang magpatawa. Sa comedy sila malakas, ngunit mahina sila sa romance. Hindi mo kayang seryosohin ang relasyon ng dalawang bida. Mas nakakatawa silang tingnan kesa sa nakakakilig.
May mga oras na hahanapin mo ang istorya dahil wala na masyadong nangyayari. May bagot factor. Hindi maayos na napagsalin ang mga dreams at fantasies ng bida. Biglang nagkaroon ng pampa-antig moments, kahit wala masyadong build up na ginawa para dun.
Patay-sindi ang koneksyon ng pelikula. Sa tuwing nawawala na ang kapit mo sa kanila, biglang bumabalik dahil may gagawin ang mga artista na nakakatawa. May kanya-kanya silang moment.
Nagawa ni Bob Jbeili ang tamang timpla ng pagiging loko-loko at seryoso. Bagamat nanganganib sa acting department si Roger Naldo, yung existence pa lang niya ay nakakadala na.
From the looks to the energy to the personality, nacheckan lahat ito ni Renzie Aguilar. Make sure na magkaroon ng 𝘔𝘪𝘰 si Dee Flor dahil deserve niya yun!
Go give us nothing ang peg ni Viggo Franco. Kahit halos walang ginagawa ang kanyang karakter, malaki ang kanyang naging ambag pagdating sa kalokohan.
River Joseph manages to portray a character na pwedeng pagnasaan pero hindi nakakabastos tingnan. Need pa ng push para mas maging powerful ang mga emotions. But he already has the raw ingredients of a romcom leading man.
Xyriel Manabat truly shines the brightest. Kahit sa pinaka-matamlay na oras ng pelikula, hindi pa rin naglalaho ang kanyang ningning. At kapag may ibang artista siyang kasama sa eksena, kaya niya ring ipamahagi ang spotlight na yun sa iba.
Nasulit ang mga cast members. Maaasahan ang ensemble na sakyan ang kung ano man trip ng pelikula. Para silang pamilya na game suportahan ang isa’t isa — gaya lang din ng tema ng pelikula.
Kahit na mahirap ay ginagawa pa rin. Kahit na gustong lumipad ay naka-stuck pa rin sa pamilya. Ang pagiging stuck sa life ay dinaan na lang sa pagpapatawa. Stuck sa pamilya.
Stuck sa komedya. Hindi man parating mahigpit ang kapit mo sa pelikula, hindi ka rin nito basta-basta bibitawan. Parati itong naghahanap ng paraan upang magpatawa.
𝐒𝐓𝐔𝐂𝐊 𝐎𝐍 𝐘𝐎𝐔
Cast: Xyriel Manabat, River Joseph, Roger Naldo, Bob Jbeili, Bombi Plata, Viggo Franco, JM Salvado, Joel Saracho, Renzie Aguilar, Dee Flor
Screenplay by: Arden Rod Condez and Sonny Calvento
Presented by: Puregold CinePanalo, Backyard Productions
Release Date: September 23 - October 4, 2026 for Puregold CinePanalo
A Movie Review by: Goldwin Reviews

Comments