top of page

SUGAPA

Sugapa (Vivamax 2023) Directed by: Lawrence Fajardo


Dalawang karakter na hindi lovable ang nagsama. Hindi mo alam kung anong nagustuhan nila sa isa’t isa. Basta nagmamahalan daw sila.


Mahirap silang kapitan dahil walang pundasyon sa kanilang pagmamahalan. Hindi sapat ang mga kaunting usapan para mahumaling ka sa kanilang samahan.


Naghahabulan sila, pero hindi mo alam kanino ka sasama dahil parehas silang wala sa lugar. Parehas silang gusto mong iwanan.


Andaming gustong sabihin ng script, pero walang natutumbok. May gahaman sa lupa, may bastos na customer, may sabongero, may nambubugbog, may mahadera, may kabit at kung anu-ano pa. Andaming naipasok na paksa tapos nauwi rin sa wala. Walang pinapatunguhan ang mga nasimulan nila.


Sobrang peke ng mga sex scenes. Naging animé ang hitsura ng iba. Hindi makatotohanan. Malamya tingnan. Hindi sila mukhang nagmamahalan.


Wala masyadong naibigay si Aljur Abrenica. Andiyan lang siya para alalayan si AJ Raval. Mukhang sunod-sunuran si AJ sa pelikula at nababagay ito sa kanyang karakter. May ilang eksena na sinubukan niyang mag-seryoso, pero kulang pa sa pagiging sinsero.


Si Ana Abad Santos ang nakakadala sa pelikulang ito, ngunit binalewala agad ang kanyang karakter kahit sa kanya nagsimula ang kwento. Malakas at nakakatakot ang mismong presensya ni Art Acuña. Dinaan ni Gwen Garci sa taas at tinis ng boses ang kanyang pagmamaldita pero hindi ito nakakatuwang panuorin.


Para sa pagbabalik Vivamax ni AJ Raval, hindi ito naging pasabog. Para sa unang pagsasama nila Aljur at AJ bilang magkapareha sa pelikula, hindi lumabas sa kamera ang lagkit ng kanilang tambalan. Maaaring sila-sila na lang ang nakakaramdam ng kanilang pagmamahalan.

Naging sugapa nga ba sila?


SUGAPA

Rating: 0/5 Cast: AJ Raval, Aljur Abrenica, Art Acuña, Ana Abad Santos Presented by: Viva Films Date Released: August 25, 2023 via Vivamax A Movie Review by: Goldwin Reviews

0 comments
bottom of page