top of page

WHAT IF

What If (2023)

Directed by: Emmanuel Palo


Newlyweds go to CamSur

for their honeymoon.


Nakaka-inlove ang ganda ng CamSur. Mapapamahal ka kaagad. Ngunit tulad ng kahit anong klase ng pagmamahal, hindi sa lahat ng oras ay nangingibabaw ang ganda nito. May mga panahon na nasisira rin ito.


Nagamit nang husto ang panahon upang mailarawan ang estado ng kanilang relasyon. Kapag maaliwalas ang sikat ng araw, nakakapag-usap sila nang mahinahon. Kapag may bagyo, hindi sila nagkakaintindihan dahil sa ingay ng ulan. Nasalanta ng bagyo ang kanilang relasyon, at lumabas ang tunay nitong anyo.


Gumaganda ang kanilang samahan kapag sila’y kumakanta. Masarap silang sabayan sa kanilang kantahan. Mas nakikilala mo ang mga karakter. Mas nagkakaroon sila ng boses dahil sa mga musika nila.


Nawawalan sila ng boses kapag sila’y nag-uusap. Mahina ang kapit mo sa mga karakter kapag sila’y nag-aaway. Walang argumentong natatapos. Walang diskusyon na matino. Hindi nagkakaroon ng pagkakataon ang mga karakter na makapag-usap. Hindi maganda ang mga linya. Sayang ang mga paksang tinatapon lang nila sa ere. Hindi rin masyadong bagay ang pamagat ng pelikula sa ipinakitang istorya.


Maganda ang mga kuha, ang pagkaka-kulay, ang mga tunog, at ang soundtrack. Natural ang pag-arte nila Alessandra de Rossi at JM de Guzman. Malakas ang presensya nila Soliman Cruz at Angie Castrence. Hindi kapani-paniwala sina Chard Ocampo at Sunshine Guimary. Hindi gaanong nagamit ang galing nila Anna Luna at Ana Abad Santos.


Sa bawat ganda na kanilang naipakita, may kaakibat na kapangitan. Ang bawat lambing ay may katumbas na away. Ang bawat umaga ay may katumbas na bagyo.


Paano makakabangon ang relasyong nasalanta?

Paano makakaahon ang relasyong nalulunod na?


Hindi sila makakasagot.

Magtatanong lang.



WHAT IF

⭐️⭐️⭐️


Cast: Alessandra de Rossi, JM de Guzman, Chard Ocampo, Sunshine Guimary, Anna Luna, Ana Abad Santos, Jett Pangan, Soliman Cruz, Angie Castrence

Presented by: Viva Films, A World Of Our Own Production

Date Released: September 7, 2023 via Netflix

A Movie Review by: Goldwin Reviews

1 comment
bottom of page