100 AWIT PARA KAY STELLA
- goldwinreviews

- Sep 11
- 2 min read
100 Awit Para Kay Stella (2025)
Written & Directed by: Jason Paul Laxamana

Maganda ang ending ngayon. Maganda kung anong nangyari sa dulo. Pero hindi maganda kung paano ipinakita. Halatang minadali ang pagkakagawa. Minadali rin ang pagkakakwento. Makalat panuorin. Bato lang sila nang bato ng mga eksena. Hindi napagtahi nang maayos.
Background music lang ang karamihan sa mga awitin. Naging checklist lang siya para umabot sila sa isang daan. Dumaraan lang ang mga lyrics. Ang sarap pakinggan ng mga kanta sa Spotify, pero hindi siya nabigyan ng hustisya nung nilapat na sa mismong pelikula.
Habang tumatagal, mas lalong masakit panuorin… dahil nasisira ang imahe ng 100 Tula. Parang ginamit lang ang iconic personalities nina Fidel at Stella, pero hindi naman nila ito kwento. Wala kang mahugot. Andaming karakter, na bago at luma, ang nasasayang.
Ang hirap kumapit sa sitwasyon nila ngayon. Kung ano man ang pinagdaraanan nila, pinagsiksikan nilang sabihin sa ilang usapan lang. Ang paglalakbay papunta sa bagong yugto ng kanilang mga buhay ay minadali. Ang mabibigat na desisyon nila ay biglaang nangyayari. Hindi mo alam kung paano sila humantong dun.
Bagay ang boses ni Kyle Echarri sa mga kanta, pero kinukulang siya sa pagbahagi ng mga emosyon. Nakakairita umarte ang mga fans. Nakakatuwa si Andrea Babierra. Andami pang nilagay na artista rito pero nabalewala lang.
Kahit ilang taon na ang lumilipas, hindi pa rin kumukupas ang husay at ang chemistry nina Bela Padilla at JC Santos. Sila ang bumubuhay sa mga karakter, pero hinihila sila pababa ng script.
Stella and Fidel deserve a better sequel.
Dun sa unang pelikula, ang ganda kung paano itinahi ang mga tula sa mga karakter at sa mga nangyayari sa kanila. Pagdating dito sa pangalawang pelikula, halos isiningit lang ang mga kanta.
Naging minus one ang pakiramdam sa mga kanta dahil tuluyang nawalan ng boses sila Stella at Fidel. Mga aktor sila rito na kailangang gumawa ng pelikula.
𝟭𝟬𝟬 𝑨𝑾𝑰𝑻 𝑷𝑨𝑹𝑨 𝑲𝑨𝒀 𝑺𝑻𝑬𝑳𝑳𝑨
Cast: Bela Padilla, JC Santos, Kyle Echarri, Albie Casiño, Yayo Aguila, Andrea Babierra, Nicco Manalo, PJ Rosario, Jamilla Obispo, Marion Aunor, Bob Jbeili, Mo Mitchell, Nanette Inventor
Presented by: Viva Films, Ninuno Media
Release Date: September 10, 2025 in Philippine cinemas nationwide
A Movie Review by: Goldwin Reviews

Comments