ANG LIHIM NI MARIA MAKINANG
- goldwinreviews

- Oct 25
- 2 min read
Ang Lihim ni Maria Makinang (CineSilip 2025)
Written & Directed by: Gian Arre

Pamagat pa lang, alam mo nang meron siyang lihim. Nung nag-umpisa na ang pelikula, confirmed na meron nga talaga siyang lihim. Ikaw naman itong abangers kung ano ba talaga ang lihim.
Puro lihim na lang ang pelikula. Nagdamot sila ng impormasyon para matakam ka. Epektibo nung simula. Seryoso lahat ng mga artista kaya magtataka ka. Susundan mo ang paglalakbay ni Gold Aceron.
Mahihiwagaan ka kay Aiko Garcia. Madadala ka sa kalandian ni Christy Imperial. Tapos dumaan lang si Micaella Raz. Nandiyan din pala si Leandro Baldemor. Nakipagchikahan si Mercedes Cabral. May lola at kasambahay na susulpot kung kailan nila gusto.
Lahat ng karakter ay tila naging special participation na lang. Hindi mo sila nakikilala nang lubusan. Tapos biglang may sasabihin sila na tunog importante at life-changing. Kung ano man ang basehan nila dun, ikaw na bahalang umintindi.
Natural lang sa isang bata na makulit at matanong, pero pagdating dito sa pelikula, hindi siya ganun. Hindi pwedeng magtanong ang bata para may abangan ka sa dulo.
Nararapat lang sa isang magulang na alagaan ang anak, pero pagdating dito sa pelikula, hindi siya ganun. Masama ang tatay para may kontrabida. Tapos biglang magbabago ang mood niya sa dulo kasi ending na.
Isang beses lang nagsalita si Mercedes Cabral, pero andami niyang nasabi. Tapos hindi na siya nagpakita ulit. Pasensyahan na lang kung may follow up questions ka.
Patong-patong na ang mga katanungan. Habang tumatagal, ayaw mo na ring malaman ang kasagutan. Nakakainip na siyang panuorin.
Habang papalapit nang papalapit ang katapusan, papalayo ka nang papalayo sa kanila. Wala ka nang pake kung ano mang ganap nila sa buhay.
Panay easter eggs ang handog ng pelikula. Nanganak nang nanganak hanggang sa naglaro ka na lang buong magdamag.
𝑨𝑵𝑮 𝑳𝑰𝑯𝑰𝑴 𝑵𝑰 𝑴𝑨𝑹𝑰𝑨 𝑴𝑨𝑲𝑰𝑵𝑨𝑵𝑮
Cast: Gold Aceron, Aiko Garcia, Christy Imperial, Micaella Raz, Leandro Baldemor, Mercedes Cabral
Presented by: CineSilip, Spikehead Media
Release Date: October 22-28, 2025 on select Ayala Malls cinemas
A Movie Review by: Goldwin Reviews

Comments