HOW TO GET AWAY FROM MY TOXIC FAMILY
- goldwinreviews
- 6 days ago
- 2 min read
How To Get Away From My Toxic Family (2025)
Directed by: Lawrence Fajardo

There’s no getting away from the stress this film has to give. You’re trapped inside a house with no exit doors. Ang bawat miyembro ng pamilyang ito ay may ambag sa pang-iinis.
Imbes na maging ilaw ng tahanan, si Susan Africa ay naging sirang bumbilya. Mandidilim ang paningin mo sa kanya. Nakakasakit ang kanyang presensya. Bilang panganay, si Richard Quan ay matagumpay sa pagiging pasaway. Si Sherry Lara ang titang hindi mo gagalangin. Kuhang kuha nila ang pika mo.
Hindi nagkulang si Zanjoe Marudo sa pagbahagi ng mga emosyon. Kaya niyang magpigil ng damdamin. Kaya niya ring magwala kung kinakailangan. Hindi siya OA makipagtalo.
Dahan-dahan lang ang atake ng pelikulang ito. Ang eksena ay kalmado, ngunit ikaw ay mapapa-kunit-noo. Tahimik ang labas, ngunit nasa loob ang kulo.
Makatotohanan ang kanilang pinagdaraanan. May ilang maliliit na detalye silang inilalagay na nakatulong upang mas maipakita ang realidad ng buhay. May kahabaan ang flashbacks, pero importante ang mga ito.
Distracting minsan ang blocking dahil halatang may kanya-kanya silang posisyon kung saan sila uupo at tatayo. Naging teatro ang bahay. Pang-teatro rin ang akting na ibinigay ni Lesley Lina.
Kalkulado ang mga away. Tanchado ang kilos. Limitado ang kanilang sinasabi. Alanganin minsan ang cuts at edit dahil napuputol din ang tensyon. Kahit malala na ang nangyayari, hindi ito lumilitaw sa mga eksena. Kahit nakakainis panuorin, hindi nila masagad nang todo ang mga emosyon.
Pabugso-bugso lang ang inis mo sa kanila. Hindi na tumataas. Walang magandang release sa namumuong galit at inis. Nanatili itong nakakulong sa loob.
Hindi natutumbok ang mga dapat pag-usapan. Kapos sa mga diskusyon. Pinapatagal nila ang mga problema. Imbes na harapin, ito’y kanilang tinatakasan.
Marahil… ito na ang representasyon ng Pamilyang Pilipino ngayon. Ang bahay ay hindi na tahanan. Ang pagmamahalan ay namaalam. Nakakalungkot at nakakamanhid sa pakiramdam. Kaakibat na nga ba ng salitang Pamilya ang pagiging Toxic?
Marahil… masakit panuorin ang pelikula dahil masakit tanggapin ang katotohanan.
Truth hurts. Family hurts.
𝑯𝑶𝑾 𝑻𝑶 𝑮𝑬𝑻 𝑨𝑾𝑨𝒀 𝑭𝑹𝑶𝑴 𝑴𝒀 𝑻𝑶𝑿𝑰𝑪 𝑭𝑨𝑴𝑰𝑳𝒀
Exact Score: 3/5
Cast: Zanjoe Marudo, Susan Africa, Richard Quan, Sherry Lara, Nonie Buencamino
Screenplay: John Bedia
Presented by: KreativDen, OgieD Productions
Release Date: July 30, 2025 exclusively showing in SM cinemas nationwide
A Movie Review by: Goldwin Reviews