MAGELLAN
- goldwinreviews
- Sep 11
- 2 min read
Updated: Sep 12
Nakaka-pressure na magustuhan ang MAGELLAN dahil ito ang pambato natin sa Oscars. Ngunit sa isang banda, hindi rin naman pang-Oscars ang taste ng Goldwin Reviews.
Siyempre, mahirap pa rin dahil baka mahusgahan ka at maliitin ka kapag hindi mo ito magustuhan. Pero kahit ano pa man siguro ang sabihan nila, ang mahalaga ay sinubukan at hindi natin sinukuan itong pelikula. Sa halos tatlong oras na pananatili sa sinehan, eto ang ating mga napansin at naranasan:
Mahilig sila sa shot na naka-patong lang ang kamera sa gilid, tapos aarte na ang mga artista. Minsan, okay lang kasi ang ganda pagmasdan ng kapaligiran.
Ngunit minsan, gusto mo ring makita ang pagmumukha nila. Gusto mo sanang mapalapit sa kanila, pero hindi ka nabibigyan ng ibang anggulo.
Dahil parating babad ang mga eksena mula sa malayo, may mga oras na nakatunganga ka na lang din sa screen.
Mapapa-iisip ka nang malalim tungkol sa history ng Pilipinas. Kung bakit at paano tayo umabot sa ganito kalalang sitwasyon. Tapos matitigilan kang mag-isip dahil biglang may tatakbo sa harapan nang nakahubad at sisigaw.
Andaming karakter na dumaraan lang. May mga namamatay na at napupugutan ng ulo, pero wala kang pake sa kanila. May mga nag-aaway na pala, pero wala pa ring tensyon. Ang hirap maging konektado sa mga nangyayari dahil hindi naman sila namuhunan para sa mga karakter na ito.
Lumipas ang taon mula 1511 hanggang 1521, pero hindi ramdam ang paglalakbay. Nung ipinakita ang huling eksena, walang emosyon ang nangibabaw. Wala kang eksenang makapitan para sa kanilang mga sinasabi.
Mas tumatak pa yung ipinakita nilang puno na sumasayaw at yung malakas na pagbuhos ng ulan. Mas ramdam pa yung napaka-haba nilang intro na puro logo at text lang ang lumalabas.
Kung ano man ang ginawa nila para makamit ang kalayaan, natabunan ito ng mga larawan. Sa halos tatlong oras na panunuod, ang lungkot isipin na hindi ka napalapit sa kahit sino man sa kanila at hindi ka natamaan sa kahit ano man ang nagawa nila.
Darating kaya ang araw na magkakatagpo tayong lahat sa ganitong klaseng pelikula…?
Kung hindi man mangyari yun, nagpapa-salamat pa rin tayo dahil marami pang ibang pelikula na handang yakapin ng iba’t ibang klase ng manunuod. Patuloy lang tayo sa paglayag.
🛳️
Sinusubukan at hindi sinusukuan,
Goldwin Reviews
A Lav Letter

MAGELLAN (2025)
Written & Directed by: Lav Diaz
Cast: Gael García Bernal, Ângela Azevedo, Amado Arjay Babon, Ronnie Lazaro, Hazel Orencio, Tomás Alves, Bong Cabrera, Brontis Jodorowsky, Baptiste Pinteaux, Dario Yazbek Bernal, Roger Alan Koza, Rafael Morais
Presented by: Andergraun Films, Rosa Filmes, Epicmedia, Black Cap Pictures, Ten17p, El Viaje Films, Volos Films, Lib Films (FR)
Release Date: September 10, 2025 in Philippine cinemas nationwide
A Movie Review by: Goldwin Reviews
