top of page

MANTSA

7 hours ago
3 min read

Mantsa (2026)

Directed by: Louie Ignacio 


Para kang nanoood ng isang recital para sa mga undergrads ng acting workshop. Hilaw pa silang umarte. Blanko ang mga mukha. Walang mahugot na emosyon mula sa kanila.


Dinaan na lang sa subtitles ang kakulangan ng mga emosyon. Ginawang capslock ang caption para kunwari intense. Nilalagyan ng tatlong exclamation point ang mga texts kahit hindi naman ganun ang pagkakasabi ng mga aktor. Nakasulat sa screen ang sobbing at screaming, pero hindi ito nakikita sa kanilang mga mukha.


Kulang sa distinct personality ang bawat karakter. Kung kaya’t nung isa isa na silang nawawala, hindi ito ramdam. Walang pinagkaiba kapag nandyan man sila sa eksena o wala. Ang kalmado lang nila magsalita at kumilos. Hindi sila mukhang nag-aalala para sa isa’t isa.


Hindi naipakita kung anong klaseng relasyon meron ang magkakaibigan. Magugulat ka na lang na may umiiyak na pala o may nagaganap nang taksilan.

Ang cringey ng mga karakter. Nakakairita si Mel. Parang lasing parati si Carlo. Hindi okay magbitaw ng linya si Sandy. Hindi ramdam ang presensya nina Tin at Joel. Hindi epektibo ang mga reaksyon ni Paeng sa sitwasyon kaya wala rin itong nagagawang tensyon.


May naibibigay kahit papano si Regine, ngunit kailangan pang hasain. Pwede siguro sa comedy si Benj, pero hindi pa sa horror.


Give na give si Snooky Serna. Mukhang totoo at taimtim ang mga pinagsasabi ni Janice de Belen kahit maikli lang ang kanyang eksena. Bagay sa mga barumbadong role si Dino Guevarra. May potensyal si Jass Dela Torre. 


Magaling magtaray si Gelli de Belen, ngunit kaya rin niyang magbigay ng malasakit sa mga bata. Mapapa-isip ka kung isa ba siyang kakampi o kaaway. Dahil sa magandang postura ni Pilar Pilapil, mas nagkakaroon ng misteryo ang kanyang karakter.

Ang sakit sa mata ng pelikula, lalo na kapag gabi na ang mga eksena. Parang naka-night vision mode ang datingan. Ang lamya rin ng mga patayan. Ambagal pakinggan ng mga usapan.


Tulad ng mantsa na mahirap tanggalin, ang trauma ay mahirap ding mawala. May attempt na talakayin ang abuse ngunit ang passive ng kanilang approach. Andaming kakulangan sa script.


Ang awkward na pinag-uusapan ang assessment para sa bata habang nasa iisang kwarto lang silang lahat. Ang weird na wala man lang aksyon na ginawa ang mga magulang pagkatapos nilang mapansin ang kakaibang kinikilos ng bata. Nakuntento na lang sila sa pag-observe kahit ilang taon na ang lumipas.


Hindi balanse ang usapan. Ang ikli lang ng linya ng kuya, tapos nag-monologue kaagad yung kapatid. Hindi na pinasalita ang kuya. Hirap silang makinig.


Inihambing ang pagpatay ng tao sa pagpatay sa ipis. Sing-liit ng ipis ang naging analogy. Sana mas pinag-usapan pa ang ideology dahil ang random kung paano ito ipinasok at tinapos. Binanggit lang siya upang bigyan ng dahilan ang pagpatay.


Kahit alam na mapanganib, hinayaan lang ang pasyente na mag-isa sa hospital. Kahit sinabing magsama-sama, naghiwa-hiwalay pa rin silang lahat.


Hindi na nag-iisip ang mga karakter. Kahit hindi na makatotohanan, sunod-sunuran lang sila sa script para lang matuloy ang mga karumal-dumal na eksena. Kahit nakita na ang mga senyales noon pa man, hinayaan pa rin itong lumala.


Kahit kitang-kita na ang mantsa,

bulag-bulagan pa rin sila.


𝐌𝐀𝐍𝐓𝐒𝐀

Cast: Pilar Pilapil, Gelli de Belen, Janice de Belen, Snooky Serna, Lloyd Samartino, Dino Guevarra, LA Santos, Shira Tweg, Bo Bautista, Khai Flores, Ghia Garcia, Mill Marzo, RJ Ariar, Rain Barreto, Than Perez, Miles Poblete, Jass Dela Torre

Screenplay by: Bambbi Fuentes

Screenplay by: Krista Taclan-Fuchs

Presented by: Dragon Entertainment Productions

Release Date: October 7, 2026 in Philippine cinemas nationwide

A Movie Review by: Goldwin Reviews


Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
  • facebook
  • X
  • instagram
  • youtube
  • letterboxd
  • gmail

Goldwin Reviews

© 2025 Goldwin Reviews. All Rights Reserved

bottom of page