SALIKMATA
- goldwinreviews

- 3 days ago
- 2 min read
Salikmata / The Unseen (CineSilip 2025)
Directed by: BC Amparado

Hindi pwedeng mabaling ang tingin. Tutok ang mata sa pelikula dahil maya’t maya ay merong nangyayari.
Maganda ang pagkakalatag sa mga eksena. Nahahati ito sa iba’t ibang chapters. Hindi lang siya basta inilagay diyan para magmukhang matalinhaga ang pelikula.
Kada usad ng chapter, lalong lumalawak ang kwento. Paghihinalaan mo ang bawat karakter. Kung sino ba sila at kung ano ang pakay nila.
Kapag may nangyayaring masama, ang bilis ilagay ang inis at sisi sa lalaki. Ngunit dahil sa mahusay na pagganap ni Aerol Carmelo, papaniwalaan at papaboran mo ang kanyang karakter. Hindi mo alam kung tama ba ito o mali. Upang malaman ang kasagutan, kailangan ipagpatuloy ang kwento.
Hindi ka maiinip sa pag-aabang. Simula pa lang ay nakakapit ka na dahil hindi pangkaraniwan ang paraan ng pagkwento. Pagdating sa huli, lalong nadagdagan ang katanungan.
Nagkaroon ng agam-agam sa pakiramdam. Hindi mo masabi kung sulit ba ang pag-aabang. Malakas ang nasimulan, ngunit katamtaman ang katapusan. Gayunpaman, marami siyang iniwan na espasyo para ito’y pag-usapan.
Kaunti lang ang sex scenes, pero ipinasok ito kung kailan siya talaga kailangan. May mga oras na hindi madaling paniwalaan ang ibang artista. Bitin sa pangmalakasang emosyon para madala ka sa nangyayari. Ngunit minsan, nadadaya ito sa anggulo ng kamera, sa nakakadalang tunog, at sa takbo ng kwento.
Sa lahat ng kanilang nagawa, may alinlangan kung ito ba ay sapat na. Kahit alam mong tapos na, mapapatanong ka kung may hindi pa ba ipinakita. Pati sarili mong mata ay nagkaroon ng duda.
Na-malikmata ka ba o salikmata.
Kahit ano pa yan, hindi makakailang nabuksan na ang iyong mata sa iba’t ibang paksa.
𝑺𝑨𝑳𝑰𝑲𝑴𝑨𝑻𝑨
Cast: Aerol Carmelo, Aliya Raymundo, Rinoa Halili, Jeffrey Hidalgo, VJ Vera
Written by: Jason Paul Laxamana
Presented by: CineSilip
Supervising Producer: Cine Canawili
Release Date: October 22-28, 2025 on select Ayala Malls cinemas
A Movie Review by: Goldwin Reviews

Comments