SINAGTALA
- goldwinreviews
- Apr 3
- 2 min read
Sinagtala (2025)
Directed by: Mike Sandejas

Ampanget ng flow. Walang maayos na transition sa paggitan ng limang karakter. Hindi ramdam ang mga hugot nila sa buhay. Napuputol ang koneksyon mo sa kanila.
Imbes na puso mo ang tamaan, eardrums mo ang masasaktan dahil sa mga OA na sigawan.
Alanganin ang mga usapan. Nakakapanlumo ang script. Hindi sila naging maingat kung paano nila hinaharap ang mga isyu. Basta-basta na lang sinisingitan ng mga pangaral kahit hindi swak sa timing at hindi angkop sa sitwasyon. Ang sablay kung paano nila pinaghalo ang mga jokes at seryosong usapan.
Kulang-kulang ang mga eksena. Dahil wala silang maipakita, dinadaan na lang nila sa mga salita. Lantaran nilang sasabihin kung sino sila at kung anong nangyayari sa buhay nila.
Nakakapanghinayang na hindi lubusang nagamit ang galing at boses ni Glaiza De Castro para sa pelikulang ito.
May disconnect sa singing at acting voice ni Rhian Ramos. May potensyal si Matt Lozano pero hindi siya nagabayan nang maigi sa kanyang mga eksena. Minsan ay mas nangibabaw ang mga sigaw kesa sa intense emotions.
Pagdating sa aktingan, wala masyadong highlight si Rayver Cruz. Pero pagdating sa kantahan, may isang performance siyang ginawa na magandang pakinggan. Bagay sa boses niya ang kantang “Forever Blue” ni Cacai Velasquez.
Given nang maganda si Arci Muñoz. Ngunit kapag siya’y umaarte, mas mapapansin mo ang kanyang mga emosyon. Expressive ang kanyang mukha.
Kapag pinagsama-sama mo silang lahat, hindi sila mukhang banda. Wala silang chemistry. Watak watak ang pagkakakwento. Hindi sila napagsama nang maayos. Para kang nanuod ng maraming YouTube videos mula sa iba’t ibang channels.
Napaka-ironic na Sinagtala ang pamagat. Hindi lumabas ang kinang ng mga artista. Hindi nagdulot ng liwanag ang pelikula. Salat sa tala ang naging kinalabasan.
𝗦𝗜𝗡𝗔𝗚𝗧𝗔𝗟𝗔
Rating: ?/5
Cast: Glaiza De Castro, Rhian Ramos, Arci Muñoz, Rayver Cruz, Matt Lozano
Presented by: Sinagtala Productions
Release Date: April 2, 2025 in Philippine cinemas nationwide
A Movie Review by: Goldwin Reviews
Comments