Tricycle Driver, Kasangga Mo (2023) Directed by: Karlo Conge Montero & Sammy Ibarra
Kapag papanuorin mo ang pelikulang ito, ang unang bubungad sa iyo ay ang logo animation ng Angel Films Production. Sa mga segundong iyon, alam mo na na panget ang mapapanuod mo.
Nang umabot sa unang eksena at hanggang sa natapos na ito. Hindi lang pala siya panget. Insulto na ito sa mga Pilipino.
Literal na malabo lahat ng eksena. Maliban sa sobrang pixelated, nagbabago-bago rin ang resolution at quality ng video sa bawat eksena. Mata mo ang dapat na mag-adjust.
Walang tumama sa audio dubbing. Batang babae ang karakter tapos boses matanda. Meron ding boses lalaki na inipit para mag-tunog babae. Hindi rin nila sinasabayan ang bunganga ng nagsasalita. Naging animé na sila. Tenga mo ang dapat na mag-adjust.
May tricycle na may dalawa ang palapag. May mga shots na kamay at mukha na lang ang nakikita. Gabi sa luob, pero paglabas ng bahay ay umaga na. Papasok ang kalokalike ni FPJ para mambugbog. May batang sinapian mula sa kawalan. Abs ni Vin Abrenica ay biglang magpapakita. Sobrang wasak. Utak mo ang dapat na mag-adjust.
If it’s any consolation, merong dance number sa huli. Kinanta nila ang themesong para sa mga Tricycle Drivers. Hindi sila sabay-sabay sumayaw at kumanta, tapos ang mga mukha nila ay tipong nang-iinis pa. Hanggang sa kahuli-hulihang sandali, naging consistent sila sa pagiging basura. Pera mo ang dapat na mag-adjust.
Audience na lang ba parati ang mag-aadjust para masabing maganda at sulit ang pelikula? Eto ang pelikulang kahit anong piga mo, wala kang makukuha na kahit anong ganda.
Beauty is in the eye of the beholder. But in this case… Kahit kaninong mata ang gamitin mo, garantisadong super panget siya.
Walang sino man ang magtatangkang magsabi na maganda ang pelikulang ito. Mas panget pa siya sa panget. Mas basura pa siya sa basura.
This is an indescribable piece of trash currently being thrown in the cinemas nationwide. How did that happen?
Why are you doing this to us?
Hindi tayo magkasangga!
TRICYCLE DRIVER, KASANGGA MO
Rating: √-∞/5
Cast: Vin Abrenica (Samuel), Sheila Falconer, Mike Nacua / Pekto (Aryong), Ricardo Cepeda Presented by: Angel Films Production, Inc. Release Date: May 24, 2023 in Philippine Cinemas nationwide A Movie Review by: Goldwin Reviews
Wait. Ang i-rerate ko ba e yung movie o yung review?